ang mga talukap
October 10th, 2007 by janizeann
sa bawat oras na lumilipas,
may ilang beses tayong pumipikit at dumidilat
ang talukap ng ating mga mata’y bumubukas at sumasara
at sa tuwi-tuwina’y nangungusap sa pagdilat o pagkurap
sa bawat oras na lumilipas,
na may isang bagay ay wari mong nasaksihan
tila naiiba ang paggalaw ng mga talukap
na siyang nagdidikta ng ating nararamdaman
sa bawat oras na lumilipas,
minsan sinasabing ang nararamdaman ay kasiyahan
ngunit may pagkakataong ang ipinahihiwatig ay kalungkutan
mayroon din naman ang ipinararating ay hindi inaasahan
sa bawat oras na lumilipas,
ito rin ay isang bagay na siyang hinuhugasan kung marumihan
ngunit minsan ay mahapdi kung may puwing
sa ating pagluha ay maiibsan
sa bawat oras na lumilipas,
sa ating pagdilat ay iba’t iba ang mga nasasaksihan
na nagdudulot ng pagpapasya o pagkakaiba ng ating mga talukap
ngunit sa kalaunan ito rin ay nagsasabing pahinga lamang ang katapat
sa bawat oras na lumilipas,
napakagandang pagmasdan ang munting bagay na ito
na kung minsan ay mahirap masaksihan sa bawat isang tao
ngunit sa paglipas ng oras ay may iba’t iba ang galaw
sa bawat oras na lumilipas,
ang mga talukap na ito’y atin ding inaalagaan
sapagkat ito’y karaniwang nagpapahayag ng ating kagandahan
na siyang nagpapahiwatig ng ating napupusuan
sa bawat oras na lumilipas,
may iba’t ibang uri ng galaw nito
o di kaya’y natural lamang ang pagluha
na siyang nagbibigay ng kaginhawaan sa saloobin ng isang katauhan
sa bawat oras na lumilipas,
sa mga talukap din ito natin naitatago ang mga karamdaman
tila mga karanasang hindi malilimutan
na siyang nagbibigay sigla sa ating mga buhay sa kasalukuyan.